Sunday, November 07, 2010

Ang Paglilitis kay Juan Luna

Mga Pangyayari:


Setiembre 1892

Villa Dupont Rue de Pergolese

Paris, France


Nabaril ni Juan Luna ang kanyang bayaw, Felix Pardo de Tavera, biyenan, Juliana Gorricho, at asawa, Paz Pardo de Tavera Luna sa bahay nila sa Paris. Gamit ni Luna ang isang baril na kanyang binili higit sa isang linggo pa lang ang nakakaraan bago nangyari ang insidente. Buhay ang bayaw niya. Namatay agad ang kanyang biyenan, sugatan naman nang malubha ang kanyang asawa, subalit namatay din siya lumipas ang ilang araw.Isinakdal si Juan Luna sa naturang krimen. At nagsimula ang isang paglilitis na matuturing na napakahalaga, hindi lamang sa France, pero pati na rin sa Pilipinas.

Mga Kaganapan sa Paglilitis:

Binasahan ng sakdal si Juan Luna ng Clerk of the High Court nung paglilitis na naganap ng 7 Pebrero 1893.Tinanong ng huwes si Juan Luna sa mga pangyayari, at inamin ni Luna na nagpaputok siya ng baril, subalit sinabi rin niya nawala siya sa sarili, at matapos ang unang putok na tumama sa kanyang bayaw, ay hindi na niya maalala ang mga pangyayari.

Sa ganitong sagot, nagtaka ang huwes at sinabing kung nawala ka sa saril, bakit nakapagsalita ka pa sa tabi ng bangkay ng iyong biyenan, at nawika mo pa na napakabait ng iyong biyenan.Ang sagot ni Luna ay, "yun ay dahil sa sakit na labis na pagkawasak. Totoong napakabait niya, lalo na sa aking anak..."Tinanong siya uli ng huwes kung pinagsisihan niya ang pangyayari, at sumagot si Luna na lubha niyang pinagsisihan. Dati siyang maligaya, honorable, at mahal niya ang kanyang asawa. Ngayon ay hindi na niya alam kung gaano ka miserable ang kanyang buhay. Pagkatapos ay napasubsob si Luna sa kanyang upuan, lubhang luhaan.

Sinuspinde ang paglilitis ng panandalian.May walong tao pa ang tumestigo, kasama si Trinidad Pardo de Tavera, kapatid ni Paz, at si Antonio Luna, kapatid ni Juan.

Sa kanyang testimonya, winika ni Trinidad na lubhang nanibugho si Juan sa kanyang asawa dahil pinagsususpetsahan niya na ito'y may relasyon sa isang pranses na nagngangalang, Dussaq. Naging biyolente si Juan at binubugbog sa Paz hanggang sinabi ni Paz na gusto na niyang idoborsyo si Juan.May isang insidente kung saan sinundan ni Juan si Paz isang hapon sa lugar na Mont Thabor. Pumasok si Paz sa isang bahay, sumunod si Juan subalit hindi niya nakita si Paz at sa halip ay nakita niya si Dussaq.

Ang insidenteng ito ay pinatunayan ni Charlotte, isang conciege, na tumestigo rin. Sabi ni Pardo te Tavera, hindi naman inamin sa kanya ng kanyang kapatid ang pangyayaring ito. Pagkatapos sinabi sa kanya ni Luna na tinutukan niya ng baril si Paz at ito'y umamin sa kanya at pumirma ng pag-amin at kasulatang ipauubaya niya na ang anak na si Andres kay Luna. Subalit nagbago ng isip si Luna at nagsabing dadalhin na lang niya ang kanyang mag-ina sa Vigo, Espana upang malayo kay Dussaq.

Sa desisyong ito, hindi pumayag si Juliana dahil sa pangamba na lubusang bugbugin at mapatay ni Luna ang kanyang anak. Pinatawag niya ang kanilang abogado na si Antonio Regidor. Nang dumating si Regidor ay siyang araw din kung kailan dapat umalis sila Luna at nangyari na nga ang patayan. Nang umupo si Antonio Luna bilang testigo, inamin niya na minsa'y sinagip niya ang kanyang hipag sa kamay ng kapatid niyang si Juan na sinasaktan ang asawa dahil sa isang bayarin.

Ang pagsasara ng diskusyon ayon sa mga abogado:


Unang nagsalita sa harap ng hurado and abogado ng magkapaid na Pardo de Tavera na si Felix Decori:

Nilagom ni Decori and mga pangyayari at hinihingi sa hurado na parusahan si Luna. Sinabi niya na hindi dapat makalimutan ang paglilitis ay tungkol sa pagkamatay ng mag-inang Pardo de Tavera at hindi ang paratang ni Luna tungkol kay Paz at sa kanyang mga kaanak.

Binasa ni Decor ang isang liham ni Juliana, ina ni Paz, kay Trinidad kung saan inulit niya ang pamgbubugbog na inabot ng anak sa kamay ni Luna, at ang ang insidente kung saan sapilitang pinapirma ni Juan si Paz ng pag-amin ng kanyang relasyon kay Dussaq.

Sa isang punto, sinabi ni Decori na si Luna ay nabibilang sa lahi ng mga Malay, na kilala sa pagiging tahimik, tamad, walang pakialam subalit biglang nagiging biyolente. "Malay Madness", sabi niya, ang tawag sa kundisyung ito ng mga Malay na pumapatay sa tindi ng galit, katulad ng mga nakahithit ng opyo, hindi nila alam ang kanilang ginagawa, at si Luna ay sadyang ganiyan.

Nagsalita naman ang abugado ng prosecution na si M. Bonn, at sinabi niya ang "Malay Madness' na ito ay hindi kabilang sa mga pagkasira ng ulo na inaabswelto sa batas ng Pranses, kaya hiniling niya na si Luna's parusahan ng hurado.

Ang huling nagsalita ay si Albert Danet, ang abogado ni Luna.

Pinakita ni Danet kung gaano katapat at kagaling sa Luna sa pamamagitan ng mga liham ng mga leader sa Espana at mga sikat na tao sa larangan ng sining at politika na sumulat upang suportahan siya.

Pagkatapos, winika ni Danet and mga liham ni Luna kay Paz kung saaa makikita kung gaano kamahal ni Luna ang kanyang asawa.

Winika niya rin ang pag-aaral ng isang Dr. Felizet na si Juan ay isang indio, kaya dapat siya ay husgahan din ng parang sa indio. Sabi ni Danet si Juan ay hindi katulad ng mga Pranses, iba ang mga bagay na nagpapatakbo ng kanyang mga pulso, kaya hindi siya dapat na husgahan ng parang isang ordinaryong Pranses. Siya ay dapat husgahan na ayon sa kanyang pagkatao.

Sa puntong ito, tinawag ng huwes si Luna at tinanong kung meron siyang gustong sabihin

Tumayo si Luna at humingi ng tawad Sinabi niya sa mga hurado na sana'y hayaan siyang lumaya upang maalagaan niya ang kanyang pangalan na malinis at maisalin niyang mabuti sa kanyang anak.

Ang Hatol


Sa aspetong sibil, pinagbayad si Luna ng halagang isang franc sa magkapatid na Pardo de Tavera bilang danyos perwisyos at ang halaga ng gastos sa kaso.

Sa aspetong kriminal, nagpasya ang hurado na si Luna ay walang kasalanan at siya ay pinalaya.

(Halaw sa Rage! ni Alejandro Roces na inilathala ng La Solidaridad Publishing nung 2008)