Gateway Gallery
Araneta Center, Cubao, Quezon City
July 3 to 17, 2019
Ang gusto ko sa trabaho ni Alex Bugsy Sibug sa exhibit na ito ay nailagay niya ang isang eksena ng aking kabataan sa isang kahon. Pero hindi naman talaga kahon, dahil ito ay isang two-dimensional pastel painting na bunga na pagkabihasa ni Alex sa mga klasikong technique ng trompe l 'oeil, nalilinlang ang mga mata at napapaniwalang ang mga bagay sa kanyang mga painting ay nahahawakan at nararamdaman, at tila nagbubukas ng pinto upang bumalik ang mga alaala.
Nung panahon ng dekada 70, ako ay nakatira kapiling ng aking mga Lola sa Pola, Oriental Mindoro, kung saan meron kaming sari-sari store. Madalas akong tumambay doon, kaya alam ko pa ang presyo ng mga candy. Halimbawa, ang White Rabbit ay tigdi-dyes. Pareho ng Viva Candy. Yung mga parang maliit na itlog na tsokolate na nakabalot sa palara na maraming kulay, dalawa beinte singko 'yun. Yung Serge Chocolate bar? Mahal yun -- tigsi-singkwenta. Itong mga Oldies But Goodies, wika nga sa pamagat ni Alex sa isang painting niya, ay ang dahilan kung bakit madalas namamaga ang aking ngipin nung araw, subalit kung may bumabagabag sa akin, napapalakas ko ang aking loob sa pamamagitan ng candy.
Huli kong nakita ang tindahan namin nung umuwi ako ng Mahal na Araw nung 1996 upang ipagdiwang kasama ng aking mga Lola ang aking pagpasa sa bar exams. Umalis ako ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay at di kalaunan ay nagkasakit na ang aking Lolo, at sinara na ang tindahan. Nung Agosto ng taon ding yun, umuwi ako upang ilibing ang aking Lola, at ang tindahan ay wala na. Magmula noon, tuwing umuuwi ako sa amin, sinasabi ko sa sarili ko na hindi ako makapaniwalang wala na talaga ang aming tindahan. Ito ay parang kagat sa aking puso na aking dinadamdam hanggang ngayon.
Subalit nang makita ko ang painting ni Alex na tindahan ng mga candy para akong bumalik sa amin sa Pola. Tila ba binuksan ni Alex ang nakakandado kong mga alaala at muli ko itong nakikita sa harap ng aking mga mata. Sabi nila, ang mga alaala raw ay may bitbit na mga damdamin. At ang alaala na ito sa akin, lalo na ang eskaparate ng mga candy, ay may dalang tuwa at ginhawa, na parang sinasabing, ano mang mga ligalig ang dumating sa buhay, maaayos din ang lahat.
Sabi ni Sir Herbert Read, isang magaling na kritiko ng sining at manunulat, only the artist has access to the deep intuitions of the mind and give them objective representation. These deep intuitions, neither rational or economic, exercise a changeless and eternal influence on successive generations of men. Ito ang ginawa ni Alex, sinaliksik niya ang mga alaala ng mga nawalang panahon at binigyang buhay sa harap ng aking mga mata. At sa pagtingin ko sa pangitaing ito, naibabahagi sa akin ang malalim na intuition na ito -- hindi ko alam ang tawag, ngunit sa aking hula ito ang intuition na biyaya ng pagasa.
At dahil diyan, kailangang magpasalamat kay Alex sa pagbabalik sa akin ng aking alaala ng kabataan, alaala ng masayang buhay, alaala ng pagmamahal, at alaala ng pagasa. Sa panahon ngayon, maraming tao sa mundo ang nalulungkot at nadi-depress sa buhay. Ngunit tinataya ko na sinuman ang may malaking problema na papalaring makita ang kanyang mga obra ay tiyak na matutuwa at mabibigyan ng pagasa kahit isang saglit man lang. Walang gamot, gadget, o anuman na naimbento na papantay sa pambihirang bisa nito kundi ang pastel at ang papel at ang mahusay na kamay ni Alex. Si Alex ay isang tunay na henyo ng ating lahi.