Nung araw, nagtayo kami ng team
Iba’t-iba ang pinanggalingan:
Probinsyano, batang squatter, rich kids
Pandak, matangkad, payat, mataba
Problema lang, lahat kami point guard.
Pag-hawak ng bola, dribble, dribble,
tuloy tira basta maka-shoot lang.
Ay! Walang panalo kahit isa.
Ngunit minsan dumating si Coach Jay.
Marami siyang itinuro sa’min.
Gumaling kami. Natatalo rin
pero iba. Kung baga sa pan de
sal, tinama niya ang mga sangkap
harina, tubig, pampaalsa at
asin. Minasa ng katamtaman.
Kaya kami yumabong, nagbigay
ng lakas, ‘di lang sa amin mismo,
pati na rin sa mga kalaro.
Isang gabi bigla siyang hinuli
ng mga sundalo, rebelde raw.
Isa sa aming dose rin pala
ang nagsumbong. Ang balita namin
pinatay siya sa bundok kasama
ng mga magnanakaw. Subali’t
anuman ang sabihin nila ay
pinagmamalaki namin siya at
maski kailan ay hindi namin siya
malilimutan. Mula noon ay
palagi naming inaalala
sa kahit anong gawain, mapa-
laro, trabaho, o pagsasanay:
Sino sa atin ang gaganap sa
papel ng minamahal na Coach Jay?
No comments:
Post a Comment